๐ญ Genre:
Panlipunan / Pampulitika
๐
Date Finished:
Enero 2026
⭐ Rating:
⭐⭐⭐⭐☆ (4/5)
About the book:
Isang nobelang tumatalakay sa buhay ng isang pamilyang Pilipino sa gitna ng magulong dekada ’70, kung saan unti-unting nahahayag ang epekto ng pulitika, patriyarkiya, at katahimikan sa loob ng tahanan.
My thoughts:
“Ang takot ay hindi dahilan para tumigil sa pakikialam.”
Bilang isang mambabasa na matagal nang humahanga at nakabasa na ng ilang akda ni Lualhati Bautista, masasabi kong muli na naman niyang pinatunayan kung bakit siya isa sa mga haligi ng panitikang Pilipino. Ang Dekada ’70 ay mahusay, mapangahas, at malalim—isang librong hindi mo lang binabasa, kundi pinagninilayan. Habang umuusad ang kuwento, ramdam mong unti-unting namumulat ang isipan mo sa mga isyung matagal na sanang binibigyan ng pansin.
“Kapag natutong magsalita ang isang babae, wala nang makakapigil sa kanya.”
Kung pag-uusapan ang mga karakter, pinaka-tumatak sa akin si Amanda. Naawa ako sa kanya—dahil para siyang larawan ng maraming babaeng natutong manahimik at magtiis. Tinanggap niya ang uri ng pagmamahal na akala niya’y iyon na ang nararapat para sa kanya. Kaya naman napakasarap basahin ang mga bahagi ng kuwento kung saan unti-unti niyang natagpuan ang sariling boses, lalo na nang tuluyan niyang ipahayag ang tunay niyang nararamdaman sa kanyang asawa. Hindi man perpekto ang naging pagbabago, malinaw na may paglago—at sapat na iyon.
“May mga sugat na hindi nakikita, pero habang-buhay na dinadala.”
Isa ring dahilan kung bakit naging kawili-wili ang nobela ay ang iba-ibang personalidad ng limang magkakapatid. Bawat isa ay may sariling paninindigan at paraan ng pagharap sa magulong sitwasyon ng dekada ’70. May mga pangyayaring hindi ko talaga inaasahan, lalo na ang biglaang pagpanaw ng isang karakter—isang eksenang tumimo at hindi madaling kalimutan. Sa totoo lang, habang binabasa ko ito, napaisip ako: kung nabuhay ako noong panahong iyon, baka hindi rin ako nagtagal ๐คฃ dahil malamang, kabilang ako sa uri ni Jules—palaban, mapanuri, at hindi marunong manahimik.
“May mga panahong kailangan mong pumili kung mananahimik o lalaban.”
Sa kabuuan, labis kong nagustuhan ang tuluy-tuloy na daloy ng pagbabasa sa librong ito. Hindi lamang ito nakapagbigay-aliw, kundi nakapagdulot din ng kaalaman, mga bagong pananaw, at mga tanong na hanggang ngayon ay patuloy ko pa ring iniisip—mga tanong na maaaring wala ring tiyak na sagot.
“Ang katahimikan ay isang uri rin ng pagsang-ayon.”
Inabot ako ng mahigit dalawang oras bago ko matapos ang aklat, at masasabi kong napakagandang unang libro para sa taon na ito. Isa rin itong paalala at pangako sa sarili na simulan nang basahin ang mga physical books na matagal ko nang itinatabi.
“Hindi puwedeng manatiling bulag habang may nangyayaring mali.”
Sa huli, si Lualhati Bautista ay isa sa mga manunulat na masasabi kong hinding-hindi sayang ang oras at perang ilalaan mo sa kanyang mga akda. May lalim, may tapang, at may saysay.
Would I recommend it?
No comments:
Post a Comment